Castro kay VP Duterte: ‘Maging transparent din’
MANILA, Philippines — Dapat maging bukas at malinaw din sa sariling aktibidad ang mga humihingi ng transparency.
Ito ang bwelta ni Palace Press Officer Claire Castro kay Vice President Sara Duterte matapos ang pahayag ng huli na gawing publiko ang lahat ng travel authority.
Sa press briefing nitong Martes, iginiit ni Castro na dapat ay kapwa panig ang transparency, lalo na pagdating sa budget. Aniya, hindi dapat tinatago ang mga detalye, dapat kumpleto ang mga resibo, walang alias, at walang palusot.
Matatandaang sinabi ni Duterte na inaasahan niyang magiging available sa publiko ang lahat ng travel authority na inilabas ng Palasyo, kasama ang kaukulang gastusin at pondong pampubliko na ginamit. Ito’y matapos niyang ikansela ang hininging travel authority para sa biyahe sana patungong Japan.
Dagdag ni Castro, handa ang Malacañang na magbigay ng impormasyon sa media hinggil sa travel authority ng mga opisyal ng gobyerno kung ito’y hihingin.
- Latest






















