220 leptospirosis deaths naitala ngayong 2026 — DOH

MANILA, Philippines — Nasa 220 katao ang naiulat ng Department of Health (DOH) na nasawi sa leptospirosis ngayong 2026.
Ito ang sinabi ni DOH Disease Prevention and Control Medical Officer Dr. Anne Dominique Asis-Matuba, ang naturang numero ay kabilang sa 3,440 leptospirosis cases na naitala nila sa bansa mula Enero hanggang Agosto 8, 2026 lamang.
Ayon kay Asis-Matuba, bagama’t mas mababa aniya ang naturang bilang kumpara sa 5,318 kaso noong nakaraang taon, kailangan pa rin aniyang mag-ingat ng lahat at bantayan ang pagtaas ng kaso lalo na sa mga nararanasang pagbaha.
Nagpaalala si Asis-Matuba sa publiko na umiwas sa paglusong, paglangoy o paglalaro sa baha at kung hindi naman maiwasan, mas makabubuti kung magsusuot na lamang ng bota at kaagad na linisin ng tubig at sabon ang bahagi ng katawan na nalubog sa baha, partikular na kung mayroon silang sugat.
Aniya pa, ang pinakamahalaga ay ang agad na pagkonsulta sa pinakamalapit na health center o doctor sa loob ng 24 hanggang 48 oras matapos pong ma-expose sa baha.
Siniguro rin naman ni Asis-Matuba na ang antibiotic na doxycycline ay maaaring i-available ng libre sa mga health centers.
Gayunman, nagpaalala siya na dapat munang magpakonsulta sa healthcare provider bago uminom ng anumang medikasyon upang matiyak na ligtas itong inumin at kung makakatanggap sila ng akmang dosage instructions.
Paliwanag niya, mahalaga ang magpakonsulta dahil hindi lahat ay maaaring uminom ng doxycycline.
Para naman aniya sa mga nangangailangan ng doxycycline, ang kinakailangang dosage ay depende sa antas ng pagkalantad.
- Latest




















