Risk-Based Taxes, Isinusulong sa Kamara
MANILA, Philippines — Tinalakay ng House Committee on Ways and Means noong Agosto 11 ang mga panukalang buwis na layong mabawi ang bilyun-bilyong pisong mawawalang kita mula sa pagbawas ng income tax.
Nanawagan ang mga mambabatas at eksperto ng balanseng excise tax regime na makapagpapataas ng koleksyon nang hindi pinalalala ang illicit trade. Iginiit din ang pagpapanatili ng risk-based tax differentials upang mahikayat ang mga adult smoker na lumipat sa mas ligtas na alternatibo.
Isinusulong ni Rep. Rufus Rodriguez ang House Bill 5364 na naglalayong pag-isahin ang buwis sa nicotine salt at freebase nicotine vapor products. Tinatayang makalilikha ito ng P6 bilyon kada taon mula 2027 hanggang 2030, bukod pa sa pagpapababa ng illicit trade sa 10% pagsapit ng 2028.
Sa kasalukuyan, mas mataas ang buwis sa nicotine salt (P60 kada 1 ml) kumpara sa freebase nicotine (P6.95 kada 1 ml). Ayon sa datos ng BIR, mahigit 90% ng nakolektang excise tax mula sa vape products ay galing sa freebase nicotine.
Inilarawan ni Rodriguez ang panukala bilang harm-reduction measure, binanggit ang review ng Public Health England na nagsasabing 95% na mas hindi mapanganib ang e-cigarettes kumpara sa tradisyunal na sigarilyo.
Naghain naman si Rep. Rolando Valeriano ng House Bill 10289 na nagtatakda ng pare-parehong P15 kada milliliter na buwis sa lahat ng vapor products simula 2027, na may 5% taunang pagtaas mula 2028. Layunin nitong alisin ang regulatory loopholes at gawing patas ang compliance sa industriya.
Suportado ng PECIA ang P10 kada milliliter na unified excise tax. Ayon kay President Joey Dulay, makatutulong ito sa mas malinaw na enforcement at pagpapanatili ng mga lehitimong produkto sa regulated market. Binigyang-diin din niya ang mahigpit na age verification, online controls, at pagbabawal sa youth-oriented marketing.
Nagbabala si Michael Eric Castillo ng Caps and Partners Inc. na hindi awtomatikong nakapagpapabuti ng public health ang mataas na tax rates. Hinimok niya ang Department of Finance na tantiyahin muna ang laki ng illicit vape market gamit ang metodolohiya ng mga internasyonal na organisasyon bago tukuyin ang pinakamainam na rate.
- Latest



















