911, lifeline na naging ‘deathline’
Nag-viral ang social media post ng isang lalaki sa Taguig City na tumawag sa 911 emergency hotline para humingi ng tulong dahil sa 71-anyos na amang inaatake sa puso. Ring lang ng ring ang linya. Inabot umano ng 10 minuto. Nang sagutin, “wait” lang ang tugon. Dinig niya ang tawanan at tsikahan habang humihingi siya ng emergency assistance.
Dahil wala pang ambulansiya, ang anak na mismo ang nagsagawa ng CPR (cardiopulmonary resuscitation). At nung dumating na ang ambulansya, walang automated external defibrillator o AED. Walang sapat na gamit. Wala rin daw pumalit sa kanya sa pag-CPR. Namatay ang pasyente. Ang dapat sana’y lifeline ay naging deathline.
Ang Unified 911 ay opisyal na emergency hotline ng Pilipinas para sa lahat ng uri ng sakuna mula sunog, aksidente, krimen, hanggang medical emergencies. Pinamamahalaan ito ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Layunin nitong palitan ang iba’t ibang hotline ng pulisya, bumbero, at ospital, at gawing iisa ang numero para sa mas mabilis na koordinasyon. Ito ay “world-class” system na ka-level ng mga bansang may advanced emergency response. Ito ang nagsisilbing lifeline ng bawat Pilipino.
Pero kung ang lifeline ay ring lang ng ring, ito ay hindi lifeline kundi lifeless line. Hindi sapat ang paliwanag na “nagkaaberya.” Ang kailangan ay accountability. Sino ang mananagot sa ganitong kapalpakan?
Sa oras ng krisis, bawat segundo ay mahalaga. Ang “wait” lang ay hindi lang aberya, kundi sentensiya. Dumating nga ang ambulansiya pero walang dalang “armas” para lumaban sa kamatayan. Parang sundalong pumunta sa digmaan na walang bala.
Ang trahedya ng pamilyang ito ay hindi dapat maulit. Ang 911 ay dapat maging sagot, hindi dagdag na problema. Kung hindi kayang tuparin ang pangako ng mabilis na aksyon, mas mabuting huwag na lang magpanggap na may lifeline.
- Latest















