20% student discount sa load, internet isinulong

MANILA, Philippines — Sa gitna ng sunud-sunod na suspensyon ng klase at paglipat sa online learning dahil sa masamang panahon, isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang panukalang batas na magbibigay ng 20% discount sa mobile prepaid load, postpaid plans, at internet packages para sa lahat ng mag-aaral sa bansa.
Sa kanyang Senate Bill No. 2275 o “Student Load Discount Act,” layon ni Tulfo na maibsan ang dagdag-gastusin ng mga estudyante at magulang na hirap makasabay sa pangangailangan ng digital education.
Binanggit pa ng senador na hindi madaling makapag-adjust ang mga mag-aaral mula sa mahihirap na pamilya kung walang tulong mula sa pamahalaan. Sa ilalim ng panukala, sakop ng discount ang lahat ng Pilipinong naka-enroll sa elementarya, sekondarya, technical-vocational at higher education, maliban sa post-graduate studies. Magagamit ang diskwento buong taon, kabilang ang weekends at holidays.
Para makuha ang benepisyo, kailangan lamang ipakita ng estudyante ang school ID o enrollment certificate, kasama ang birth certificate bilang patunay ng pagiging Filipino citizen. Obligado ang mga kumpanya ng telekomunikasyon na ipatupad ang discount, at papatawan ng mabigat na parusa ang lalabag.
Binigyang-diin ni Tulfo, na chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, na malaki na ang ipinagbago ng konsepto ng “class suspension.” “Noon, kapag suspended ang klase, talagang walang pasok. Pero ngayon, karamihan sa mga paaralan ay agad na lumilipat sa online modality upang maiwasan ang backlog,” paliwanag niya.
“Tungkulin natin sa pamahalaan na tiyakin ang access sa edukasyon. Walang estudyante ang dapat maiwan kapag ang lahat ay nakakonekta,” pagtatapos ni Tulfo.
- Latest





















