Angeline, first time mapapanood ng dalawang anak sa concert

MANILA, Philippines — Dalawang Sabado ang selebrasyon ng programang Vibe+ na nagdiriwang ng kanilang 1st anniversary noong nakaraang Sabado.
Pasabog ang inihandang selebrasyon, pero hindi nga lang sila kumpleto, dahil wala roon ang isa sa main hosts na si Dylan Menor.
Hitik naman sila sa special guests noong Sabado, na kung saan ang bongga ng production number nina Maymay Entrata at Angeline Quinto na nagpo-promote ng concert niyang Aquinse na gaganapin sa Araneta Coliseum sa Aug. 22.
Sabi ni Angeline, hindi pa naman daw naso-sold-out ang tickets, pero ramdam niyang bago ang takdang araw ay ubos na ito.
Ilan sa aabangan sa malaking concert na ito, “Bukod sa mga bagong collaborations na gagawin ko with my special guests na kasama, napakaraming inihahandang mga pasabog na gagawin po namin sa aking concert.
“Halos… Diyos ko Lord! Enjoy na enjoy akong ginagawa talaga,” bulalas ni Angeline.
Marami raw siyang dapat na ipagpapasalamat, dahil hindi raw siya makapaniwala sa mga na-achieve niya sa loob ng 15 years ng kanyang showbiz career.
Aniya, “Minsan hindi ko ma-imagine ang sarili ko na 15 years na pala.
“E ang daming nangyari. Talagang ipinagpapasalamat ko po kung ano man ‘yung sine-celebrate ko ngayon at ipinagpapasalamat ko sa lahat na mga tao na hanggang ngayon nandiyan pa rin.”
Ang isa sa ikina-excite pa ni Angeline ay ang dalawang anak niyang manonood sa kanya.
“First time nila akong mapapanood na mag-show sa Araneta Coliseum. At ‘yun din ang isa sa nilo-look forward ko na makita ako ng anak ko na nagso-show.
“Kasi siyempre dati si Mama Bob… e wala na ang mama. So, ang dalawang bulilit na ang manonood sa akin.
“Mas nagkaroon ng meaning ang bawat song dahil sa kanila,” saad ni Angeline.
Sa ngayon ay happy raw muna silang mag-asawa sa dalawa nilang anak na sina Sylvio at Sylvia.
Wala pa raw sa plano nila ang magka-third baby.
“Wala pa naman po sa ngayon. Kasi medyo puno po talaga ang trabaho.
“So, parang hindi pa po pinaplano sa ngayon ang third baby,” tugon ni Angeline Quinto.
Elha, kasabay ni Lorna Tolentino na nag-training sa Navy
Nag-perform din doon sa anniversary celebration ng Vibe+ ang The Voice Kids champion na si Elha Nympha.
Dalaga na talaga siya at ang laki nang iginanda niya.
Masayang ibinahagi sa amin ni Elha ang experience ng training niya sa Philippine Navy.
Naging Reservist din kasi si Elha na kung saan nakasabay pa niyang nag-graduate si Lorna Tolentino.
“Actually nung 2024 nagpa-enlist na ako, but there’s no slot.
“This year, nabigyan ako ng chance… parang special class na you have to like finish the training within a month.
“E siyempre po as a busy person, ginrab ko na po ‘yung opportunity.
“Pinagkasya na nga po yata ang three months na training in one month.
“So, it’s so hard!” kuwento sa amin ni Elha.
Noon pa man ay gusto na raw talaga niyang maging Reservist para meron daw siyang serbisyong maibigay sa ating bansa.
“Before po… I mean till now, gusto ko po talagang makatulong sa ating community.
“Nandiyan na po na ‘pag magkaroon ng bagyo, gusto ko po talaga mag-help.
“I’m just ano… giving back ‘yung parang makakaya ko sa community po,” tugon ni Elha.
Nalaman din niyang nakasabay nga niya si Lorna T, na dapat daw ay last year pa ito nakapag-graduate.
“Actually si Tita Lorna, last year po siya nag-training e. Pero hindi lang po siya nakapag-FTX (Field Training Exercise).
“Need po kasi ‘yun, parang four days na nasa isang camp kami, and then nandun din po ‘yung training namin na para po talaga kaming mga sundalo po,” sabi pa ni Elha Nympha.
- Latest


























