Shopping mall sa Laguna nasunog

LAGUNA, Philippines — Nagmistulang inferno ang isang shopping mall dito sa lalawigan nang lamunin ng apoy sa naganap na sunog nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat, karamihan ng bahagi ng Unisan Mall kabilang ang nasa limang lease store stalls ay ganap na naabo sa pitong oras na sunog sa Barangay Santisima, Sta. Cruz, Laguna kamakalawa ng gabi.
Sa kabila nito, walang naiulat na nasawi at nasugatan mula sa 80 empleyado ng mall kabilang ang mga guwardiya, maintenance crew at iba pang manggagawa ng mall.
Unang sumiklab ang apoy sa front gate ng establisyimento noong dakong alas-11:30 ng gabi. Idineklara ng mga bumbero ang fire out kinabukasan bandang alas-7:30 ng umaga.
Ayon sa security guard consultant ng mall na si Carlito Magpily, 50, posibleng nagsimula ang apoy sa roller-up gate sa main entrance ng Unisan Mall dahil sa pangunahing bahagi ng roller-up ay nakitang makapal na ang usok.
Mabilis umanong kumalat ang apoy sa buong establisimyento at sa mga nangungupahan food stalls dahil sa mga produkto lalo na sa mga madaling nasusunog na materyales tulad ng foam, plastic at iba pa.
Ayon kay Col. Sandro Jay Tafalla, director ng Laguna police, ang insidente ay iniulat lamang ng duty security guard sa Santa Cruz Police at mga tanod alas-12:10 ng gabi. Aniya, walang mall staff nang mangyari ang insidente.
- Latest



















