STL draw court pinasabugan ng granada
LEGAZPI CITY, Alba, Philippines — Nagkabasag-basag ang salamin sa harap at nagkalat ang bubog sa loob ng STL (small town lottery) draw court ng pasabugan ito ng granada ng hindi pa nakikilalang suspek sa Lucky Gem Building, Phase ll, Imperial Court Subdivision, Brgy. 24-Rizal Street, dito sa lungsod kamakalawa ng gabi.
Masuwerteng walang nasugatan habang nagkataon na nasa cash area ang ilang kawani nang maganap ang pagsabog sa harapan mismo ng establisimyento.
Sa ulat, dakong alas-7 ng gabi, biglang nagulantang ang mga residente malapit sa lugar nang marinig nila ang malakas na pagsabog.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis sa lugar sa pangunguna mismo ng hepe na si Lt. Col. Arthur Tagtag Jr.
Ayon sa kopya ng CCTV camera, isang lalaki na nakasuot ng itim na jacket, itim na pantalon, puting sapatos, at pulang helmet ang lumapit sa draw area. Sunod na nakita ay ang pagtakas na ng salarin sakay ng itim na motorsiklo.
- Latest






















