EDITORYAL— Dapat gamutin ang DOH
MUKHANG maysakit ang Department of Health (DOH) at lulugo-lugo na sa patuloy na krisis sa kalusugan sa bansa. Katibayan nang pagiging maysakit ay ang mabilis na pagpapalit ng mga namumuno sa DOH. Hindi nagtatagal sa puwesto ang mga opisyal dahil sa bigat ng trabaho, sunud-sunod na kontrobersiya, at mga problemang matagal nang nakapaloob sa kagawaran.
Kamakailan lang, nagbitiw si dating DOH Secretary Teodoro Herbosa dahil sa health reasons, kasunod ng iba’t ibang isyung ibinato sa kanya. Pinalitan siya ni Dr. Jose “Brix” Pujalte Jr., orthopedic surgeon at medical center chief ng Philippine Orthopedic Center. Positibo ang pagtanggap sa kanya dahil sa mahabang karanasan. Maraming umasa na magdadala siya ng direksiyon sa DOH.
Gayunman, mabilis ding nagbago ang ihip ng hangin. Ilang araw lamang matapos siyang maupo, isinangkot siya sa reklamo sa Presidential Complaint Center dahil umano sa pagpunta sa mga casino. Mariin niyang itinanggi ang paratang. Hindi pa rito natatapos ang isyu. May sumunod pang anonymous complaint sa Ombudsman na nagsasabing naantala umano ang bidding para sa tuberculosis medicines upang bigyang-daan ang paboritong supplier. Mga alegasyon lamang ito, at may karapatan si Pujalte na linisin ang pangalan. Hindi dapat husgahan agad ang isang opisyal batay sa reklamo lamang.
Gayunman, hindi maikakaila ang mas malaking tanong: kung ang bagong kalihim ay agad na nasasangkot sa kontrobersiya at kalaunan ay bumababa rin sa puwesto dahil sa kalusugan, ano ang sinasabi nito tungkol sa kalagayan ng DOH?
Ang krisis sa kalusugan ay hindi nagsisimula at nagtatapos sa isang tao. Matagal nang kulang ang bansa sa health workers, ospital, gamot, at pasilidad. Maraming pasyente ang pumipila nang madaling-araw, habang ang iba ay nauubos ang ipon dahil sa pagpapaospital lamang.
Dagdag pa rito ang pulitika sa medical assistance, procurement delays, at mga alegasyon ng katiwalian. Sa ganitong kalagayan, kahit sino pa ang maupo bilang secretay ay haharap sa sistemang matagal nang may sakit. Ngayong si Edwin Mercado na ang bagong DOH secretary, haharap siya sa mabigat na hamon ng pagpapanumbalik ng tiwala sa kagawaran.
Hindi sapat ang pagpapalit ng liderato. Kailangan ang malinaw na direksiyon, mabilis at tapat na procurement, patas na serbisyo, at proteksyon laban sa political interference. Ang DOH secretary ay hindi dapat maging tagasalo ng lahat ng problema ng sistema. Sa halip, siya ang dapat magpakita ng malinaw na diagnosis at konkretong solusyon. Kung magpapatuloy ang exodus ng mga kalihim dahil sa kontrobersiya at bigat ng trabaho, malinaw na hindi lang mga tao ang may sakit, kundi ang sistema ng kalusugan—at nararapat itong gamutin agad-agad.
- Latest
















