174 manggagawa nasagip sa ‘radioactive’

Bodega ng bakal ni-raid:
MANILA, Philippines — Sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), National Bureau of Investigation (NBI) kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan, ang isang bodega ng pagawaan ng bakal sa Bunawan, Davao City na nagresulta sa pagsagip sa 174 na manggagawa na lantad diumano sa radioactive materials, nitong Huwebes, Agosto 13.
Ipinatupad ng NBI at PAOCC, sa tulong ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), Chemical, Biological, Radiological, and Nuclear (CBRN) ng Philippine Air Force, Philippine Coast Guard, PCG Special Operations Group, at ng 10th Infantry Division ng Philippine Army, ang search warrants sa Davao Mighty Steel (DMS) Corp. sa Barangay Ilang .
Natukoy rin na ang komersyal na DMS reinforcing steel na gawa at ipinakakalat sa merkado ay may taglay na radioactive isotopes, na batay sa technical na pagsusuri ng PNRI ay mayroong Uranium-238, Thorium-228, Thorium-232, at Radium-226, na panganib sa kalusugan.
Sinabi ni PAOCC Executive Director Usec. Benjamin Acorda Jr. na ang 174 na nasagip ay pawang manggagawang Pilipino dahil sa pagiging lantad nila sa radioactive materials, alikabok, usok, basura, at mga latak ng produksyon na nagdudulot ng panganib nang tuluy-tuloy na occupational exposure.
Ani Acorda, walang awtoridad ang kumpanya na kumuha, tumanggap, magmay-ari, gumamit, mag-imbak, magbenta, maglipat, mag-import o mag-export ng nuclear o radioactive materials.
Ang tatak na DMS reinforcing steel bar ay nakita sa mga gumuhong istruktura dulot ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Hunyo 8, 2026, kabilang ang mga paaralan, ospital, gusali ng gobyerno, barangay health centers at mga tirahan sa mga apektadong lugar ng Sarangani, Davao del Sur at Davao Occidental.
- Latest






















