Win No. 3 target ng Nxled sa Farm Fresh
MANILA, Philippines — Ang ikatlong sunod na panalo ang pakay ng Nxled sa pagsagupa sa Farm Fresh sa pagpapatuloy ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour sa Mindanao Civic Center Gymnasium sa Tubod, Lanao del Norte.
Lalabanan ng Chameleons ang Foxies ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng nagdedepensang PLDT High Speed Hitters at Akari Chargers sa alas-6:30 ng gabi.
Nangunguna ang ZUS Coffee tangan ang 2-0 record kasunod ang Nxled (2-1), PLDT (1-0), Creamline (1-0), Akari (1-1), Galeries Tower (1-1), Farm Fresh (0-1), Choco Mucho (0-1) at Capital1 Solar Energy (0-1).
Matapos matalo sa Cool Smashers, 18-25, 23-25, 25-16, 19-25, sa pagbubukas ng PVL On Tour sa Ilagan City, Isabela noong Hulyo 8 ay magkasunod na winalis ng Chameleons ang Solar Spikers, 25-17, 25-23, 25-18, at Highrisers, 25-23, 25-23, 25-20.
Muling aaasa ang Nxled kina Myla Pablo, Jonah Sabate-Escamillan, Fil-Am middle blocker MJ Phillips, Lyann de Guzman, Jackie Acuña, Chiara Permentilla at setter Gel Cayuna.
Sa ikalawang laro, ipaparada ng High Speed Hitters si opposite hitter Leila Cruz sa pagsagupa sa Chargers.
Makakasama ni Cruz, nagmula sa Capital1, sa PLDT sina La Salle alumnae Kianna Dy, Kim Fajardo, Majoy Baron, Mika Reyes at Jessa Ordiales.
- Latest


















