Kapunan, Ferrer nagkainitan sa trial

MANILA, Philippines — Nagkainitan sa ika-15 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sina private prosecutor Atty. Lorna Kapunan at defense counsel Atty. Kristine Ferrer sa cross-examination kay COA-ICFAO state auditor Xylene Del Campo.
Nagsimula ang tensiyon nang harangin ni Kapunan ang pagtatanong ni Ferrer na tinawag niyang “out of line” at “misleading.” Giit ni Ferrer: “I’m on cross, your honor, please,” habang iginiit na pinahihintulutan ang kanyang linya ng pagtatanong.
Hiniling ni Kapunan kay Presiding Officer Sen. Chiz Escudero na pagsabihan si Ferrer na huwag putulin ang pagsagot ng testigo upang hindi maimpluwensiyahan ang kasagutan. “Never mind if you’re on cross. There are limits to cross-examination. Misleading questions are not allowed,” ani Kapunan.
Nagpatuloy ang palitan ng matitinding salita hanggang sa awatin ni Escudero ang dalawang abogado. “Please, counsels, let us not allow the seeming generational divide increase the tension in the courtroom. Let’s keep it a notch lower,” ani Escudero.
“Your honor, please. I am preventing myself from giving her a spanking, your honor. That is what I would have done in the rational divide,” wika ni Kapunan na nagdulot ng halakhakan sa loob ng korte.
Ayon kay Ferrer, dapat panatilihin ng lahat ng abogado ang pagiging propesyonal at paggalang sa loob ng korte, kaya hiniling niya sa impeachment court na pigilan si Kapunan sa paggawa ng mga side comments katulad ng “spanking” o pamamalo.
“Yung mga ganoon ho, Your Honor, wala ho yung lugar dito sa courtroom because we are all lawyers here, we are all professionals,” ani Ferrer. “Igalang naman ho natin yung kapwa natin na lawyer.”
Tinanggap naman ni Kapunan ang paalala ng korte. “I accept what she said. I will refrain from lecturing her, Your Honor,” ani Kapunan.
- Latest



















