Pulis, bodyguard ng mayor todas sa kabaro

MANILA, Philippines — Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang pulis at isang sibilyan na bodyguard ng isang mayor matapos sila ay pagbabarilin ng isang lasing na pulis sa parking area ng isang beach resort sa Brgy. San Miguel, Maragondon, Cavite kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na sina P/Staff Sergeant Junmark Sisante, nakatalaga sa Magallanes, Cavite at sibilyan na si Arjay Mojica, nasa hustong gulang at bodyguard ng isang mayor sa isang bayan sa lalawigan ng Cavite.
Habang patuloy na inoobserbahan sa ospital si PCpl Louie Climacosa, nasa hustong gulang, residente ng Magallanes, at nakatalaga sa Ternate Police Station.
Ang suspek na agad na naaresto ay kinilalang si P/Corporal Rolando Periodico Jr., nakatalaga sa Trece Martires police station at nakakulong na sa Maragondon police.
Batay sa ulat, bago nangyari ang krimen, ala-1:30 ng madaling araw sa parking area ng Marie’s Resort na matatagpuan sa nasabing lugar ay paalis na ang mga biktima sa parking matapos dumalo sa birthday party ng isang police official nang dumating ang suspek na umano ay lasing at nag-usap sila.
Sa hindi pa malamang kadahilanan ang pag-uusap ay nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at pinagbabaril ang mga biktima na duguang bumagsak malapit sa kanilang kotse.
- Latest

















