Babae, naningil ng P150 na hulog sa utang, pinatay
MANILA, Philippines — Dahil umano na walang pambayad ang habal-habal driver sa P150 hulog nito sa pinag-uutangan kaya’t nagawa nitong patayin ang isang babaeng lending collector na ang bangkay ay kanyang itinapon sa bulubunduking lugar sa Brgy. Matlag, Isabel, Leyte.
Halos naaagnas na ang bangkay ng biktima na si Rina Jane Brigildo, collector ng CARD (Center for Agriculture and Rural Development) Inc.-Isabel Branch, isang microfinance institution at tubong Matag-ob, Leyte nang ito ay matagpuan nitong Lunes ng umaga sa madamong bahagi ng nasabing lugar.
Sumuko naman ang suspek na si alyas “Paolo,” 20-anyos, habal-habal driver matapos na makonsensiya sa ginawang krimen.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima noong Agosto 3 habang nangongolekta ng bayad mula sa kaniyang mga kliyente.
Ayon sa pulisya nakunan pa ng CCTV habang sakay ng habal-habal ng suspect ang biktima bago ito pinaslang at itinapon ang bangkay.
Inamin naman ng suspect sa pulisya na nagtalo sila ng biktima dahilan sinisingil siya nito sa hulog na P150 na bahagi ng utang niyang P3,000 pero nabigo siyang makapaghulog dahil kulang ang kaniyang pera na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Sinabi ng suspek na pinagmumura umano siya ng biktima at dito ay nagdilim ang kaniyang isip kaya’t pinagsusuntok niya ito sa dibdib at tiyan bago sinaksak hanggang sa mapatay.
Ang suspect na nakakulong na ay kinasuhan ng murder.
- Latest















