7K katao inilikas sa Zambales
IBA, Zambales, Philippines — Nasa mahigit 7,000 katao ang inilikas matapos malubog sa baha ang mga mabababang lugar, dito sa lalawigang dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan dulot ng habagat, at mga bagyong Luis at Maymay.
Sa huling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Lunes ng alas-3:00 ng hapon, umabot na sa 2,441 pamilya o 7,046 katao ang nailikas patungo sa mga ligtas na lugar.
Sa kabuuang bilang, 4,706 indibidwal ang kasalukuyang nakikitira sa mga barangay hall, pampublikong paaralan, at mga pasilidad ng pamahalaan, habang ang iba ay nakituloy sa kanilang mga kamag-anak.
Agad inutos ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr. ang preemptive evacuation sa ng Barangay San Juan, Botolan nang bumigay ang isang bahagi ng dike na pumipigil sa naglalakihang lahar mula sa Bucao River na nagsisilbing proteksyon ng anim na barangay.
Ayon kay PDRRMO Head Rolex Estella, nagsimulang lumikas ang ilang residente noong nakaraang linggo nang umabot sa lampas-bewang ang baha sa ilang lugar. Mula sa mahigit 3,810 bakwit noong gabi ng Agosto 9, lumobo ito sa mahigit 7,000 nitong Lunes ng hapon dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig.
- Latest

















