^

Punto Mo

CCTV ang mata, kumag ang kabado

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

HINDI na dapat puro dasal at habulan ang laban sa mga kawatan sa kalsada. Kung gusto nating mas ligtas ang Maynila, dapat may matang nakabantay kahit dis-oras ng gabi.

Ito ang gustong itulak ni 1st District Councilor Rosalino Ibay Jr., retiradong police colonel at dating hepe ng Special Mayor’s Reaction Team ng Manila Police District (MPD).

Sa ilalim ng City Ordinance No. 9152, o Barangay CCTV City Ordinance of 2025, obligado ang lahat ng 896 barangay sa Maynila na maglagay ng hindi bababa sa 10 security cameras bawat taon sa mga lugar na kritikal mga pangunahing daanan, eskinita at lugar na madalas puntahan ng tao.

Hindi ito simpleng dagdag-gamit sa barangay hall. Ang gusto ni Ibay, magkaroon ng mata ang bawat kanto para kapag may nangyaring krimen, hindi puro “wala akong nakita” ang maririnig.  At dito papasok ang tunay na silbi ng proyekto.

Para sa ordinaryong Manilenyo na sumasakay ng jeep, naglalakad sa eskinita, umuuwi nang gabi o naghahanapbuhay sa bangketa, malaking bagay ang CCTV. Kapag may nang-snatch, nanghablot o nangholdap, may posibilidad na may kuhang ebidensiya. Hindi na puro kuwento ng biktima laban sa suspek.

Sa madaling salita kapag may kumag na gumawa ng kalokohan, baka may kamera ring magsabi kung sino siya.

Bilang dating pulis, alam ni Ibay kung gaano kahalaga ang CCTV sa paglutas ng krimen. Para sa kanya, hindi lamang ito panghuhuli pagkatapos ng krimen. Maaari rin itong magsilbing pangharang sa mga kriminal bago pa sila kumilos. Pero hindi sapat na nakasabit lang ang kamera at mukhang dekorasyon.

Sa ilalim ng ordinansa, magsasagawa ang MPD ng regular at dokumentadong inspeksiyon upang matiyak na gumagana ang mga CCTV 24 oras kada araw. Kapag nagpabaya ang mga opisyal ng barangay sa pagpapanatili ng sistema, maaari silang managot sa administratibo. May isang malinaw na punto rin hindi kailangang palitan taun-taon ang CCTV kung maayos pa at gumagana ang kasalukuyang unit.

Ito ang klase ng proyekto na ramdam ng masa dahil hindi kailangan ng malalim na paliwanag para maintindihan ang pakinabang.

Kapag may CCTV sa madilim na kanto, may dagdag na bantay.  Kapag may nanghablot, may posibilidad na may kuha.

Kapag may sindikato ng magnanakaw na paikot-ikot sa lugar, may dagdag na matang puwedeng tumingin sa galaw nila.  At kapag alam ng mga kriminal na may kamera sa paligid, baka dalawang beses muna silang mag-isip bago mang-trip ng kapwa.

Hindi nito ibig sabihin na CCTV lang ang sagot sa krimen. Kailangan pa rin ng mabilis na pulis, maayos na barangay, ilaw sa kalsada at aktuwal na pagresponde sa reklamo ng mga residente.

Pero kung ang layunin ay gawing mas mahirap ang buhay ng mga kawatan at mas ligtas ang buhay ng karaniwang Manilenyo, may saysay ang direksiyong tinatahak ni Ibay.

Para sa nasa laylayan, simple lang ang sukatan: hindi kung gaano kaganda ang proyekto sa papel, kundi kung makakauwi ba silang ligtas sa kanilang pamilya.

At kung ang CCTV ang magiging dagdag na mata sa bawat kanto, aba, mas mabuti nang ang binabantayan ay ang kriminal kaysa ang pobreng mamamayang araw-araw nang nakikipagsapalaran sa Maynila.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with