Shabu sa parcel isinuko ng delivery rider
CAVITE, Philippines — Isang courier ang nagsuko sa mga awtoridad ng isang parcel na may lamang shabu na nakasiksik sa kwelyo ng damit na nakatakda sanang ipadala sa lalawigan ng Isabela, kamakalawa sa Dasmariñas City.
Ayon sa ulat ng Dasmariñas City Police, nagtungo sa kanilang tanggapan ang isang empleyado ng isang kilalang courier company, at boluntaryong isinuko ang ilegal na droga na narekober nito na nakasingit sa kwelyo ng isang damit sa loob ng parcel.
Tinatayang aabot ang droga sa 2.50 gramo ng shabu na aabot sa Standard Drug Price (SDP) na P17,000.
Batay sa imbestigasyon, pumasok ang isang hindi kilalang lalaking sender sa isang courier office sa Dasmariñas nitong Agosto 9 ng hapon upang ipadala ang naturang package.
Sa rekord, isang nagngangalang “CJ Pera” na taga-Dasmariñas City ang sender, habang ang nakatakdang tumanggap ng package ay isang “Ginegine Emralino” ng Osmeña, Ilagan, Isabela.
Nagduda ang delivery rider nang mapansin ang tila hiwa o di-karaniwang butas sa kwelyo ng damit. Pinatapos muna ng tauhan ng courier company ang proseso at dokumentasyon ng sender bago ito umalis. At sa pagsusuri sa damit, natuklasan ang isang selyadong transparent plastic sachet na naglalaman ng nasabing droga.
- Latest




















