Dennis, pinayuhan ang anak na ‘wag maging mapusok!

Tatlo ang mga anak nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo.
Magla-19 na taong gulang na ang anak ni Dennis kay Carlene Aguilar na si Calix. Mag-18 taong gulang naman si Jazz, na anak ni Jennylyn kay Patrick Garcia.
Apat na taong gulang na ang bunsong anak nina Jennylyn at Dennis na si Dylan Jade. Gagawin umano ni Dennis ang lahat ng kanyang makakaya para sa lahat ng mga mahal sa buhay. “Actually, Tito Boy, noong isang gabi, naisip ko na part-time actor na lang ako eh. Mas full-time na ama at asawa. Kasi feeling ko mas do’n talaga ako nakaka-focus ngayon eh. Sa pagiging tatay at asawa, sa pag-provide, pagsuporta sa kanilang lahat, bawat isa sa kanila.
“Siguro po habang nagma-mature ka, nag-iiba ‘yung priorities mo. Nag-iiba ‘yung mga source ng kaligayahan mo,” pagbabahagi ni Dennis sa amin sa Fast Talk with Boy Abunda.
Bilang isang ama ay mayroong payo si Dennis sa kanyang panganay na si Calix tungkol sa pag-ibig at pakikipagrelasyon.
Mayroon na raw kasintahan ngayon ang binata. “Paalala ko sa kanya, huwag siyang magmamadali. Enjoy lang niya ‘yung buhay niya kung mag-girlfriend man siya. Ngayon meron eh, pinakilala na rin po, fencer din po siya. Kagusto-gusto naman po talaga ‘yung girl, mabait din naman, marespeto and feeling ko nanggaling naman sa maayos na background.
“Pang-ilan na rin po pero feeling ko isa sa mga seryoso niya ngayon. ‘Yung iba po kasi hindi ko nakikilala e. Ngayon lang talaga ‘yung naipakilala niya sa amin,” pagtatapat ng Kapuso actor.
May pagkakamaling nagawa si Dennis noon sa buhay na ayaw niyang maranasan ni Calix ngayon. “Siyempre ayaw ko na makabuntis siya nang wala sa oras. Gusto ko prepared and kaya niyang panindigan lahat ‘yung responsibilities kapag nangyari ‘yon. Pinaghahandaan, ‘yon ang importante. Mag-ingat palagi, kasi ‘yung mga bata ngayon mapupusok, ‘di ba? Minsan hindi natin alam ‘yung mga ginagawa nila. So mga paalala lang talaga ‘yung magsisilbing reminder everyday,” giit niya.
Ayon kay Dennis ay kasalukuyang varsity fencer ang anak sa University of the Philippines. Matatandaang rumampa rin si Calix sa isang fashion show noong isang taon.
Nakikita umano ni Dennis na susundan ng anak ang mga yapak nila ni Carlene sa show business. “Gusto rin po, mahilig din siya. Ngayon tinatanong niya ako kung pwede raw siyang mag-(acting) workshop, mag-voice lessons. Sabi ko, ‘Sige, gawin natin ‘yan kapag wala kang school.’ Ako na magwo-workshop sa kanya. Sabi ko, ‘Ako mismo magwo-workshop sa ‘yo,’” nakangiting kwento ng aktor.
Samantala, magbibida si Dennis sa pelikulang Amir na isa sa mga kalahok sa nalalapit na Metro Manila Film Festival 2026 (MMFF).
Matatandaang nasungkit ni Dennis ang Best Actor award para sa pelikulang Green Bones na pinagbidahan nila ni Ruru Madrid noong MMFF 2024. “Malapit na pong matapos. Sobrang excited ako dahil after Green Bones, after one year na nagpahinga, ‘yung same team, sila rin ‘yung gagawa. Tungkol po sa trahedya ng Marawi and kung paano naka-survive ‘yung pamilya sa isang catastrophic na pangyayari sa buhay nila,” pagtatapos ni Dennis. — Reports from JCC
- Latest





















