3 ex-rebelde sa Quezon tumanggap ng tig-P65K

LUCENA CITY, Philippines — Tatlong dating rebelde sa lalawigan ng Quezon ang tumanggap ng tig-P65,000 financial assistance sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ng pamahalaan.
Ipinagkaloob ang tulong kamakalawa sa Cultural Arts Center, Governor’s Mansion Compound sa Lucena City, bilang suporta sa kanilang pagbabalik sa normal at mapayapang pamumuhay.
Ang tatlong benepisyaryo ay kabilang sa mga dating rebelde na nagbalik-loob at sumuko sa 202nd Infantry o Unifier Brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Layunin ng financial assistance na nagkakahalaga ng P65,000 bawat isa na matulungan silang makapagsimula muli, partikular sa pagtatayo o pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan, upang magkaroon ng mas matatag na pagkakakitaan at mapabuti ang kalagayan ng kanilang mga pamilya.
Samantala, sinabi ni Brig. Gen. Ernest John C. Jadloc, commander ng 202nd Infantry Brigade, ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan upang matulungan ang mga dating rebelde sa kanilang reintegrasyon sa komunidad.
Sa pamamagitan ng E-CLIP, patuloy na isinusulong ang pagbabalik ng mga dating rebelde sa kanilang mga pamilya at komunidad, tungo sa kapayapaan, kabuhayan at mas maayos na kinabukasan sa Quezon Province.
- Latest


















