Eala goodbye na sa Toronto

MANILA, Philippines — Naputol ang matikas na ratsada ni Alex Eala upang tuluyang mamaalam sa kontensiyon sa WTA 1000 National Bank Open kahapon sa Toronto, Canada.
Lumasap ang Pinay netter ng 4-6, 0-6 kabiguan sa kamay ni world No. 12 Belinda Bencic ng Switzerland sa kanilang Round of 16 match sa Sobeys Stadium Centre Court.
Bagama’t may iniindang injury, hindi sumuko si Eala sa buong panahon ng laban.
Bitbit ang ‘never say die’ spirit, nagawang makipagsabayan ni Eala sa first set kung saan tumabla pa ito sa 4-4.
Ngunit mas kinatigan ng suwerte si Bencic sa dalawang sumunod na games para makuha ang 1-0 bentahe.
Sa second set, ramdam na ang pagbagal ni Eala dahil sa injury kaya’t dinomina ni Bencic ang laro para makuha ang 5-0 kalamangan.
HIndi naman agad sumuko si Eala sa final game nang bumangon ito mula sa 0-40 pagkakabaon at maipuwersa pa nito ang 40-40 deuce bago angkinin ni Bencic ang dalawang puntos at makuha ang panalo.
Matapos ang laban, tumanggap ng standing ovation si Eala mula sa mga Pinoy fans na nanood sa kanilang laban.
Muling nagpasalamat si Eala sa mga kababayan nitong patuloy na sumusuporta sa kanya manalo man o matalo.
Sa kabila ng kabiguan, mag-uuwi pa rin si Eala ng $81,800 premyo o katumbas ng halos P5 milyon sa pagpasok nito sa fourth round.
Magandang pagkakataon din ito upang makapagpahinga si Eala dahil sunud-sunod ang laban nito sapul nang magkampeon ito sa Mubadala DC Open sa Washington DC.
Sunod na sasabak si Eala sa Cincinnati Open sa Amerika na isa ring WTA 1000 event.
Gaganapin ang Cincinnati Open sa Agosto 13 hanggang 23 sa Lindner Family Tennis Center sa Mason, Ohio.
Matapos nito, lalarga naman si Eala sa prestihiyosong US Open sa New York City — ang pinakahuling Grand Slam event sa taong ito.
- Latest




















