Pista ng teatro, magbubukas na!
MANILA, Philippines — Bubukas na ang telon sa isa na namang panalong karanasan mula sa Puregold sa pagkakataong ito, ilalapit ang mundo ng teatrong Pinoy sa mga talentadong artista’t manlilikha.
Bilang pagpapalawak ng layuning itaguyod ang pagkamalikhain ng mga Pilipino, inianunsyo ng Puregold ang pagbubukas ng Teatro Panalo, isang pista ng teatro na layuning makadiskubre, mapaunlad at maitanghal sa entablado ang mga bago at mahuhusay na dula at musikal na may isang yugto, na gawa ng mga Pilipinong mandudula.
Kasama ang Wishbone Collective, Inc. bilang producer at organizer, ipinepresenta ng nila ang incubation theater festival na ito, isang plataporma kung saan ang mga orihinal na gawa, mula iskrip, ay maaaring maitanghal sa entablado nang may dramaturgical support, suporta sa mga kakailanganin sa produksyon, at kasiguraduhan na magkakaroon ng audience engagement o pagtangkilik mula sa mga manonood.
Labindalawang orihinal na gawa –walong straight play o dula at apat na musikal na gawa – ang mapipili upang makatanggap ng buong produksyon bilang bahagi ng festival, at ang bawat mandudula ay makatatanggap ng P100,000.
Matapos ang festival, isang dula at isang musikal ang makatatanggap ng mga full-length development grant, oportunidad na lalo pang umunlad ang sining ng mga likha, at komersyal na produksyon sa kalaunan.
Para sa Puregold, sinasalamin ng Teatro Panalo ang patuloy na paniniwala ng kumpanya na ang makabuluhang mga karanasan ay dapat abot-kamay ng karamihan, dahil ito ay tunay na karanasang panalo. “Palaging nariyan ang Puregold sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino,” sabi ni Ivy Hayagan-Piedad, Senior Marketing Manager ng Puregold.
“Sa pamamagitan ng Teatro Panalo, hangad naming manatiling nariyan pa rin, sa isa pang mas makabuluhang paraan, sa pamamagitan ng paglikha ng mga espasyo kung saan maaaring magsama-sama ang mga tao, magpalitan ng mga idea, at makitang mabuhay ang kasiningan ng mga Pilipino sa entablado,” dagdag niya.
Ang inisyatibang ito rin daw ay nakaugat sa pag-unawa nila na ang paglilingkod ay higit pa sa transaksyonal.
Binigyang-diin naman ng direktor ng festival na si Vincent de Jesus na ito ay tungkol sa pangangalaga sa mga artista, at paghahanap ng bagong mahusay na materyal.
Idinisenyo rin ang festival para tulungan ang mga mandudula na makita ang buong potensyal ng kanilang mga likha sa pamamagitan ng kolaborasyon sa mga taga-industriya ng teatro, habang binibigyan din ang mga manonood ng oportunidad na matunghayan ang mga kapana-panabik at bagong kuwentong Pinoy.
- Latest




















