Traffic enforcer tinodas ng hinuling rider

MANILA, Philippines — Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang traffic enforcer nang siya ay malapitang barilin sa ulo ng isang rider na kanyang hinuli dahil sa walang helmet at lisensiya naganap nitong Sabado ng hapon sa Congressional Road, Brgy. Burol 1 Dasmariñas City, Cavite.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si alyas “Ranso,” 36, traffic enforcer ng Dasmariñas City, residente ng Brgy. San Isidro Labrador 2 ng lungsod.
Sa imbestigasyon, bago ang krimen, naka-duty ang biktima sa lugar at nag-aayos ng trapiko nang sitahin at hulihin nito ang motorcycle rider na may angkas na babae at kapwa walang suot na helmet.
Hinanapan ng biktima ng OR/CR ng motorsiklo at lisensya, subalit expired na umano ang registration ng motor at wala ring maipakitang lisensya ang rider.
Nagkaroon nang pagtatalo ang dalawa hanggang sa magdesisyon ang biktima na i-impound ang motor ng suspek.
Makalipas ang ilang oras ay bumalik ang suspek, alas-5:48 ng hapon at nakitang nakatayo ang biktima kasama ang kapwa traffic enforcer sa tapat ng tindahan ng litson manok at malapitang binaril sa ulo bago mabilis na tumakas.
Nakilala ang suspek na si alyas “Cezar” ng Brgy. H2, Dasmariñas City, dahil sa motor na naka-impound.
- Latest

















