Angat Dam bahagyang tumaas ang tubig

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan , Philippines — Bahagyang tumataas ang lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa mga pag-ulan nitong nakalipas na mga araw, ngunit nananatili pa rin itong mababa sa kritikal na antas.
Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan, nasa 159.21 metro ang water elevation ng Angat Dam alas-2 ng hapon nitong Sabado, Agosto 8. Mas mataas ito ng 0.87 metro kumpara sa 158.34 metro na naitala noong Biyernes. Gayunman, nananatili itong 0.79 metro sa ibaba ng critical level na 160 metro. Nasa 20.79 metro rin ito sa ibaba ng minimum operating level na 180 metro at 52.79 metro sa normal high water level tuwing tag-ulan na 212 metro.
Samantala, dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan, tumaas din ang tubig sa mga upstream river system na nagsusuplay sa apat na irrigation dam sa Bulacan-Pampanga area na pinamamahalaan ng National Irrigation Administration (NIA).
Ayon kay Engr. Enrique Carlos, manager ng NIA Bulacan Irrigation Management Office, kabilang sa mga dam na naglalabas ng tubig ang Bustos Dam, Upper Maasim Dam, Lower Maasim Dam 1, at Lower Maasim Dam 2.
Sinabi ni Carlos na unti-unti at kontrolado ang pagbubukas ng mga gates ng mga naturang dam upang mapamahalaan ang pagtaas ng antas ng tubig.
Samantala, inatasan ni Christian Manalo, acting director ng NIA Central Luzon, ang mga regional personnel na mahigpit na subaybayan ang lahat ng irrigation facilities sa rehiyon dahil sa epekto nang malalakas na pag-ulan na dulot ng mga weather disturbance.
Sinuspinde naman ang alokasyon ng tubig para sa mga irigasyon mula sa Angat Dam para sa tinatayang 25,000 ektarya ng mga palayan sa Bulacan at ilang bahagi ng Pampanga matapos bumaba sa 180 metro ang water elevation ng dam.
Ayon pa sa PDRRMO, naitala ang pinakamababang water elevation ng Angat Dam noong Hulyo 26, 2026, na umabot lamang sa 150.55 metro
- Latest





















