Suspect sa pagpatay kay Perry Mariano, driver huli na

MANILA, Philppines — Nasakote na ng mga awtoridad ang suspect sa pagpatay sa negosyanteng si Perry Mariano at driver nito sa Quezon City noong Abril sa buy-bust operation sa Kapatagan, Lanao del Norte, ayon sa opisyal kahapon.
Inianunsyo ni Quezon City Police District (QCPD) Director p/Brig. Gen. Randy Glenn Silvio ang pagkakaaresto sa suspect na kinilala nito sa alyas na “Kidong”, 38-anyos, residente ng Brgy. Poblacion, Kapatagan, Lanao del Norte .
Sinabi ni Silvio na si Kidong ay nasakote ng pinagsanib na elemento ng mga operatiba ng pulisya sa buy-bust operation bandang ala-1:45 ng hapon noong Agosto 6 sa Brgy. Poblacion, Kapatagan ng nasabing lalawigan.
Narekober mula sa suspect ang nasa 1.30 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P8,840.00.
Noong Hulyo 13,2026 ay nagsampa ang QCPD ng dalawang counts ng murder laban sa mga sangkot sa pagpatay kay Mariano at driver nito na tinambangan at pinagbabaril sa Quezon City noong Abril 28, 2026.
Sa tala, si Kidong ay may dating kasong paglabag sa Republic Act No. 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention act at ang Republic Act No.9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest





















