Leo Martinez, kasali sa pagbuhay ng Sine Republika

Nakadaupang-palad namin kamakailan ang mayor ng Malolos, Bulacan na si Mayor Christian Natividad at nakakatuwang malaman mula mismo sa kanya na plano niyang i-revive this year ang Sine Republika o Malolos Film Festival na may 15 years na raw namamahinga.
Ang batikang film and theater actor at EDDYS icon awardee na si Leo Martinez ang kausap na raw niya tungkol dito kaya malamang na ito na rin ang maging festival director.
Balak niyang i-open for all ang mga sasali sa filmfest. Meaning, kahit hindi taga-Malolos ay pwedeng sumali basta’t naka-adhere sila sa tema ng Malolos history and patriotism. “Low budget lang... hindi naman ito palakihan ng budget,” natatawang saad ni Mayor. “Pero meaningful ‘yong mga film na gagawin nila kasi ang tema po nito, medyo patriotic and historic kasi kukuha ka ng excerpt ng history natin [sa Malolos] na sa tingin natin ay kailangan nating ipalabas at nang makita nila kung ano ang kaugnayan nito sa kasalukuyang panahon at ano ‘yong aral na makukuha natin mula sa ating kasaysayan.
“Kasi ang Malolos, we must remember, is the site of the first ever republic—democratic and constitutional republic—in the whole of Asia. So, ba’t hindi natin pinapahalagahan ‘yon? So, sa ganitong mga munti naming programa na ganito, sa tingin natin mai-inculcate natin sa minds ng current generation and maybe even future generations na tingnan natin ‘yong legacy ng demokrasyang dala ng Malolos Republic.”
Parang nakikita na namin na mga estudyanye ang karamihan sa sasali rito lalo’t p’wedeng mga smart phones lang daw ang gamit sa paggawa ng pelikula. Maglalatagan pa lang daw sila ni Direk Leo ng mga plano at patakaran.
Meanwhile, mauuna muna ang pa-workshop ni Direk Leo sa mga Malolenyong vloggers na nakatakda ngayong Agosto. (ANNA PINGOL)
- Latest























