Pax Silica Agreement ipaunawa sa Pinoy
Maraming Pilipino ang nagtatanong at nababahala sa usapin ng Pax Silica Agreement. Anuman ang pananaw ng publiko, tungkulin ng pamahalaan na ipaliwanag nang malinaw ang nilalaman at posibleng epekto nito sa bansa.
Sa House Resolution na inihain ng ilang mambabatas sa pangunguna ni Caloocan Rep. Edgar Erice, hiniling ang congressional inquiry upang suriin ang epekto ng kasunduan sa pambansang seguridad, soberanya, at kritikal na digital infrastructure ng Pilipinas.
Layunin ng imbestigasyon na matukoy ang magiging implikasyon nito sa pamamahala ng datos, seguridad pang-ekonomiya, pangangalaga sa kalikasan, at mga batas na may kaugnayan sa artificial intelligence (AI) at iba pang makabagong teknolohiya.
Nilinaw ni Erice na hindi layunin na hadlangan ang pamumuhunan, kundi tiyakin na ang mga proyektong may malaking epekto sa bansa ay may sapat na transparency, pananagutan, at proteksyon para sa interes ng mga Pilipino.
Noong Abril 17, 2026, pormal na sumali ang Pilipinas sa Pax Silica initiative na pinangungunahan ng Estados Unidos, isang koalisyon ng 14 na bansa na naglalayong palakasin ang supply chain para sa semiconductors at AI technology. Kasama rito ang planong pagtatayo ng 4,000-acre industrial hub sa Luzon Economic Corridor.
Dahil dito, mahalagang malaman ng publiko ang detalye ng pamumuhunan, pagmamay-ari, operasyon, kontrol sa imprastraktura, cybersecurity, at proteksyon sa mahahalagang impormasyon ng bansa.
Dapat ding masuri ang epekto nito sa suplay ng kuryente at tubig, pangangalaga sa kapaligiran, at kung sapat ang kasalukuyang batas ng Pilipinas upang tugunan ang mabilis na pagbabago sa larangan ng AI at teknolohiya.
Ang Pax Silica Agreement ay hindi lamang usapin ng pamumuhunan kundi usapin ng seguridad, soberanya, at kinabukasan ng bansa. Kaya nararapat na maging bukas, malinaw, at responsable ang pamahalaan sa pagpapaliwanag nito sa sambayanang Pilipino.
- Latest




















