4 sa 18 ‘Maleta Boys’, bumaligtad na

MANILA, Philippines — Apat sa 18 tinaguriang “Maleta Boys” na nagpakilalang dating bodyguard ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ang kusang bumaligtad at binawi ang kanilang mga sinumpaang salaysay kaugnay sa akusasyong nagdeliber sila ng male-maletang pera sa mga opisyal ng gobyerno kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ng isa sa kanila na napagpasyahan nilang bawiin ang kanilang mga naunang salaysay dahil sa umano’y kinakaharap nilang mga kaso at mga banta sa kanilang buhay.
“Gusto na namin pong manahimik dahil sa ngayon tadtad kami ng mga kaso, mga banta sa buhay namin kaya napag-isip-isipan namin na binabawi na po namin ‘yung mga salaysay po namin,” anang isa sa nagpakilalang dating bodyguard ni Co sa exclusive interview ni Maris Umali sa “24 Oras”.
Hindi nagpakita ng kanilang mukha ang apat sa camera dahil umano sa matinding banta sa kanilang seguridad.
Ipinakita rin nila ang bagong sinumpaang salaysay bilang bahagi ng kanilang pagbawi sa mga naunang pahayag.
Ayon sa kanila, hindi umano totoo ang ilan sa mga nauna nilang sinabi at iginiit na hindi sila ang gumawa ng naunang affidavit.
Inamin din nila na pinangakuan lamang umano sila ng pera noong una at sinabi pang may ilan sa kanilang mga kasamahan ang umano’y nagbabalak ding bawiin ang kanilang mga naunang pahayag
Anila, may dalawang buwan na nilang pinag-isipan bago ang pag-recant at kahit ang iba nilang kasamahan ay pinag-iisipan na rin.
Tatlo lamang sa apat ang may joint affidavit ngayon na ginagamit sa imbestigasyon ng Ombudsman.
Sa panig ng Department of Justice (DOJ) na nasa korte na ang hurisdiksyon ng kaso at anumang “substantive or procedural matters related to the case” ay korte na ang bahala.
- Latest















