NLEX nalusutan ng Terrafirma

MANILA, Philippines — Naitakas ng Terrafirma ang 114-109 panalo upang gasgasan ang malinis na kartada ng lider na NLEX sa pambihirang silat na duwelo sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Humataw ng 9-0 ratsada sa end game ang Dyip upang ungusan ang Road Warriors na nalasap ang una nilang kabiguan sa ilalim ni bagong head coach Jimmy Alapag para sa 6-1 kartada sa Group A.
Angat ang Terrafirma sa 3-4 katabla ang Converge para sa ikaapat na puwesto upang makahabol sa karera sa crossover playoffs tampok ang Top 4 teams kontra sa Group B.
Nanguna sa Dyip si import Justin Strings na kumolekta ng 28 puntos, 11 rebounds at 6 assists.
Subalit bumida sa panapos nila sina Maverick Ahanmisi, Geo Chiu, Juami Tiongson at Brent Paraiso.
Pumukol ng 20 points si Tiongson, habang may 18 at tig-16 markers sina Paraiso, Ahanmisi at JM Bravo, ayon sa pagkakasunod.
“Siguro sinuwerte lang kami sa end game. We really wanted it kasi past few games, medyo bitin ‘yung energy eh. Tsaka sa end game, doon kami bumibigay,” ani coach Ronald Tubid.
Matatandaang kinapos lang ang Terrafirma sa NLEX sa first round, 100-101, at pinatunayan agad nila iyon sa pagkaripas sa 21-9 bentahe sa first quarter.
Bumalikwas ang Road Warriors at naagaw ang 69-62 abante upang kontrolin ang laro sa hanggang huling tatlong minuto.
Abante pa ang NLEX sa 109-105 sa huling 3:11 minuto subalit hindi na nakaiskor nang sumikwat ng back-to-back baskets si Geo Chiu upang itabla ang Terrafirma sa 109-109.
- Latest


















