^

Punto Mo

Tapos ang raket

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

HINDI biro ang babalang pinakawalan ng Bureau of Customs (BOC) sa lahat ng kanilang pantalan sa buong bansa. Maliwanag ang mensahe ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno walang sinuman ang dapat magtangkang galawin ang mga nakumpiskang ilegal na sigarilyo dahil ang sinumang mahuhuling sangkot ay maaaring mawalan ng trabaho at humarap sa mabibigat na kasong administratibo, sibil, at kriminal.

Kasunod ito ng mga ulat na may mga tangkang nakawin ang mga nakumpiskang kontrabando na nasa kustodiya ng pamahalaan. Dahil dito, ipinag-utos ni Nepomuceno na higpitan pa ang pagbabantay sa lahat ng bodegang pinaglalagyan ng mga nasamsam na sigarilyo. Lahat ng galaw ay dapat dokumentado, kontrolado ang pagpasok at paglabas ng mga tao, at anumang kahina-hinalang kilos o pagkawala ng mga ebidensiya ay kailangang agad iulat sa kanyang tanggapan.

Mas lalong pinatibay ng BOC ang kanilang paninindigan sa pamamagitan ng pagbabawal sa paglilipat, paggalaw, o pagtatapon ng mga nakumpiskang ilegal na sigarilyo nang walang nakasulat na pahintulot mismo ng Commissioner. Ibig sabihin, wala nang palusot, wala nang “nakalusot,” at wala nang puwang ang palakasan.

Sa ilalim ng ipinatutupad na One-Strike Policy, isang sablay lang ay sapat para masibak sa ser­bisyo ang sinumang opisyal o kawani na mapapatunayang nakisangkot, nagpabaya, o nagbulag-bulagan sa pagnanakaw o ilegal na paglabas ng mga nakumpiskang kontrabando. Kasama rin sa pananagutan ang mga opisyal na may command responsibility.

Pero ang mensaheng ito ay hindi lang para sa mga nasa loob ng ahensiya. Isa rin itong matinding babala sa mga smugglers at sa kanilang mga financier.

Kung iniisip ng mga sindikato na puwede nilang bawiin ang kanilang kontrabando o lusutan ang batas gamit ang pera, koneksiyon, o pananakot, panahon nang mag-isip silang muli.

Hindi simpleng negosyo ang smuggling. Bilyun-bilyong pisong dapat sana’y mapunta sa mga serbisyong pampubliko ang nawawala dahil sa iligal na kalakal. Kaya naman ang smuggling ay hindi lamang paglabag sa batas isa rin itong seryosong pag-atake sa ekonomiya ng bansa.

Kaya dapat malinaw ang mensahe ang mga taong patuloy na nagpapalakad, nagpopondo, at naki­kinabang sa malawakang smuggling ay dapat managot sa ilalim ng umiiral na mga batas, at kung ang kanilang mga gawain ay pumapasok sa mga kasong may kaugnayan sa economic sabotage, nararapat lamang na habulin sila nang buong higpit ng batas. Ang pananagutan ay dapat nakabatay sa ebidensiya at sa tamang proseso ng hustisya.

Ang laban kontra smuggling ay hindi matatapos sa pagsamsam ng kontrabando lamang. Magtatagumpay lamang ito kung walang magtataksil sa loob ng sistema at kung ang mga nasa likod ng iligal na operasyon ay mapapanagot sa korte.

ARIEL NEPOMUCENO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with