PNP, tinututukan pamilya at kaibigan ni Bato

Nasa Pinas pa rin
MANILA, Philippines — Tinututukan ng Philippine National Police (PNP) ang pamilya, kaibigan at mga taong malalapit kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa para sa ikadarakip nito.
Ayon kay PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., patuloy ang kanilang pagkilos at paghahanap laban sa senador sa tulong na rin ng kanilang mga koneksiyon.
Sinabi ni Nartatez na araw-araw silang nakatatanggap ng impormasyon na kanilang pinoproseso na posibleng maging basehan ng kanilang intelligence report na makatutulong sa pagtunton kay Dela Rosa. Malaki rin aniya ang posibilidad na nasa Pilipinas pa si Dela Rosa.
Nauna nang itinanggi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mga kumakalat na balitang naaresto na si Dela Rosa, at sinabing “fake news” ang mga ito.
Sinabi rin ni Remulla na nagpapatuloy pa rin ang paghahanap sa senador at huling natunton ang presensya nito sa Mindanao, ngunit hindi na nagbigay ng karagdagang detalye.
Si Dela Rosa ay hinahanap ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y papel niya sa kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
- Latest

















