Alerto sa Bulkang Mayon, ibinaba sa Level 2

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Tuluyan nang ibinaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) mula sa Alert Level 3 (magmatic unrest) patungong Alert Level 2 (moderate level of unrest) ang estado ng Mt. Mayon sa Albay kahapon ng hapon.
Alas-3 ng hapon sa pamamagitan ng advisory na inilabas ng Phivolcs ay ideneklarang nasa ilalim na lamang ng alert level 2 ang bulkang Mayon makaraang makitaan ito sa araw-araw na obserbasyon nang pagbaba ng mga aktibidad sa lahat ng parameters simula noong Hulyo 23,ngayong taon.
Dahil sa paghina ng paglabas ng bagong magma sa crater ay natigil ang pag-usad ng lava sa Miisi Gully sa bayan ng Daraga na humantong na lamang sa distansyang 2.7 kilometro pababa; Bonga Gully sa Legazpi City na umabot sa habang 3.2 kilometro; at Basud Gully sa bayan ng Sto. Domingo sa 3.8 kilometro.
Ang lava collapsed-fed rockfall mula sa bilang na 278 events bawat araw simula nang mag-alboroto ito noong Enero 6 ay umabot na lamang sa average na 12 events bawat araw noong Hulyo 23.
Base sa pagtaya ng Phivolcs mula Enero 6 hanggang kahapon, nasa 89-metrong kubiko (cubic meters) ang volcanic materials na ibinuga ng Mayon.
Sa seismic activity, mula sa 57 events bawat araw simula noong mag-alboroto ay umaabot na lamang sa 13 events bawat araw o bumalik ang real-time seismic energy release nito bago ang eruption-levels.
Sa volcanic degassing o sulfur dioxide emission, bago ang pinaka-peak ng naganap na mga strombolion activity ay naitala ang pinakamataas na ibinugang asupre noong Hunyo 11 na umabot sa 13,128 tons per day pero nang tumigil na o humina ang paglabas ng magma ay umabot na lamang ito sa 2,163 tonelada kada araw na average sulfur dioxide emission nitong Hulyo 23.
Sa kabila ng pagbaba ng alert level ng Mayon, patuloy na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer radius permanent danger zone dahil sa pressurized at mataas pa rin ang ibinubugang asupre ng bulkan na malaki ang posibilidad na magkaroon ito ng phreatic eruption o biglaan na minor explosion at magdulot ng volcanic hazards, rockfall, ballistic projectiles, short-range pyroclastic density currents, at landlides.
Inaasahan namang magdedeklara ang PDRRMC at Albay Provincial Safety and Emergency Management Office sa pangunguna ni Gov. Noel Rosal upang ng decampment o pagpapauwi sa mahigit 1,120 pamilya o aabot sa 5-libo katao na nakatira sa mga danger area.
- Latest





















