Erwin may apela sa electric firms

MANILA, Philippines — Iginiit ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo na dapat makiisa ang mga kumpanya ng kuryente sa panukalang alisin ang singil sa system loss na ipinapasa sa mga konsyumer.
Ayon kay Tulfo, bilyun-bilyong piso ang kinikita ng mga kumpanya habang patuloy na nababaon sa hirap ang mga mamamayan. “Hindi makatarungan na ang publiko ang magpasan ng system loss. Ang mga kumpanya ang dapat managot sa sarili nilang lugi,” aniya sa panayam.
Nangako ang senador na tatapusin ng komite ang mga pagdinig ngayong taon upang amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na 25 taon nang umiiral. Layunin nitong maibsan ang pasanin ng mga Pilipino at matiyak ang murang kuryente.
Kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., naghain si Tulfo ng mga panukala kabilang ang Senate Resolution No. 537 – imbestigasyon sa pagpapasa ng system loss sa mamimili, Senate Bill No. 2239 – pagbuwag sa Energy Tax Law, at Senate Bill No. 2340 – pagtanggal ng VAT sa system loss.
“Pagaanin natin ang pasanin ng mga Pilipino. Kahit ilang daang piso lang sa bill, malaking tulong na ‘yan sa mahihirap na pambili ng bigas o gasolina,” giit ni Tulfo.
- Latest



















