Pax Silica, paano naman ang mgamagsasaka? – Imee
MANILA, Philippines — Pinatitiyak ni Sen. Imee Marcos na hindi maaagrabyado ang mga magsasaka at katutubo sa planong pagtatayo ng Pax Silica Project sa Capas, Tarlac.
Ayon kay Marcos, hindi sapat ang pangakong bilyong dolyar na puhunan at trabaho kung kapalit naman nito ang kabuhayan ng mga umaasa sa lupa.
“Bago ang anumang investment, dapat munang tiyakin na hindi naaagrabyado ang mga taong umaasa sa lupa para mabuhay,” ani Marcos.
Sinabi ng senadora na nagsimula na ang pagtukoy sa mga maaapektuhang lugar ng proyekto, na tinatayang aabot sa 1,600 ektarya. Kabilang dito ang lupang sinasaka ng 92 magsasaka at mga katutubong Aeta, kahit wala pang pampublikong konsultasyon.
Nanawagan si Marcos sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na ipaliwanag muna sa mga residente ang tunay na epekto ng proyekto bago magsagawa ng anumang land acquisition.
Hiniling din niyang imbestigahan ang mga reklamong may mga magsasakang pinatitigil sa pagtatanim at nakararanas ng pananakot.
Binigyang-diin ng senadora na alinsunod sa Department of Agrarian Reform (DAR) Administrative Order No. 1, Series of 2002, dapat matiyak na naaayon sa batas ang anumang land use conversion.
Nagbabala rin siya na mangangailangan ang proyekto ng napakalaking suplay ng tubig at kuryente para sa pagproseso ng rare earth at critical minerals.
- Latest




















