Prosec ilalatag ebidensya sa VP Sara confidential funds

MANILA, Philippines — Sisimulan na ng House prosecution panel ang pagpiprisinta ng ebidensya sa umano’y hindi tamang paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds ni Vice President Sara Duterte sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Senate impeachment court.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua na siyang lead House prosecutor na hahawak sa Article 1 ng impeachment case, magbibigay daan aniya ang pagdinig ng oportunidad sa publiko para pinal na makita ang mga ebidensya sa likod ng akusasyon laban kay Duterte.
“This is where the truth comes out. Hindi na ito usapin ng mga alegasyon lang. We will present the documents, the witnesses and the evidence before the impeachment court,” ayon pa kay Chua.
Sa ilalim ng Article 1, inaakusahan nito si Duterte ng hindi tamang paggamit ng P612.5 milyon confidential funds sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Vice President at kalihim ng Department of Educaton (DepEd).
Si Chua ang nagsilbing chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability na nagsagawa ng 2024 inquiry sa confidential funds ni VP Duterte.
Matatandaan na ilang buwan nagsagawa ang panel ng serye ng public hearing at sinuri ang release, withdrawal, disbursing, at liquidation ng confidential funds na tinanggap ng Office of the Vice President at ng DepEd.
Ang naging finding ng komite ang naging pangunahing basehan para maghain ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente.
“We conducted a thorough investigation. Ngayon, ilalatag na namin sa Impeachment Court ang mga ebidensyang aming nakalap, at hahayaan naming ang mga katotohanan ang magsalita,” ayon pa kay Chua.
Kabilang sa mga unang testigo sa Article 1 sina Violeta Constantino, dating Land Bank Shaw Boulevard Branch Manager at Nenita Camposano, dating Land Bank DepEd Branch Manager.
Isinubpoena rin ng Senate impeachment court si Marivic Pareja, Chief ng House Legislative Archives, upang iprodyus ang mga rekord ng Kamara kaugnay ng proseso ng impeachment.
“The Filipino people deserve transparency and accountability. Sa paglilitis na ito, facts—not politics—should prevail,” dagdag ni Chua.
- Latest























