Walang Alex-Venus reunion sa Mubadala

MANILA, Philippines — Walang tambalan nina Alex Eala at Venus Williams ang magaganap sa WTA 500 Mubadala D.C. Open na pormal nang magsisimula ngayong araw sa Washington D.C. sa Amerika.
Base sa inilabas na draw, wala si Eala sa doubles event.
Sa halip, makakasama ni Williams sa kanyang doubles si Diana Shnaider.
Wala pang linaw sa tunay na dahilan ng pagbabago ng pares sa doubles.
Nauna nang inihayag ng Mubadala organizers na magsasama sina Eala at Williams sa doubles bilang wild card entry.
Nakapag-ensayo pa na magkasama sina Eala at Williams noong isang araw.
Kaya naman nagulat ang lahat na hindi magkasama sina Eala at Williams sa doubles.
Gayunpaman, tuloy ang laban ni Eala sa singles.
Makakasagupa ni Eala sa opening round si reigning Asian Games champion Zheng Qinwen ng China.
Si Zheng ang tumalo kay Eala sa semifinals ng Asian Games noong 2023 sa Hangzhou, China.
Naitakas ni Zheng ang pahirapang 6–1, 6–7 (5), 6–3 panalo laban kay Eala.
Kaya naman desidido si Eala na makabawi kay Zheng sa oras na magkrus ang kanilang landas.
Ito ang unang pagkakataon na maghaharap sina Eala at Zheng sapul noong 2023 Asian Games.
Malaki na ang ipinagbago ng laro ni Eala kaya’t malaki ang tsansang maisakatuparan nito ang matamis na pagresbak sa Chinese netter.
Sumalang sa isang oras na ensayo si Eala kahapon sa Mubadala DC Open.
Kasama nito sa training si Ashlyn Krueger ng Amerika bilang hitting partner nito.
Gaya ng inaasahan, muling dinumog si Eala ng mga Pinoy fans nito matapos ang kanyang ensayo.
- Latest


















