Ambulansiya walang driver: 10-anyos bata namatay
P15K hiningi bago mailipat sa ibang ospital…
MANILA, Philippines — Matinding lungkot at galit ang dinulot sa pamilya sa sinapit ng isang 10-anyos na bata na nasawi matapos umanong hindi agad maisugod sa ibang ospital dahil walang available na driver ng ambulansiya sa isang private hospital sa Catbalogan, Samar.
Ayon sa pamilya, Hulyo 11 nang dumaing ng sore throat at hirap sa paghinga ang bata kaya napilitan silang isugod sa ospital.
Subalit, inirekomenda silang ilipat sa ibang ospital sa Tacloban City para sa mas kumpletong kagamitan.
Gayunman, naantala ang paglilipat dahil wala umanong driver na magmamaneho ng ambulansya at hiningan din umano sila ng ospital ng P15,000 bilang paunang bayad bago maisagawa ang paglilipat ng pasyente.
Dahil sa mga naging pagkaantala, hindi na umano umabot nang buhay ang bata.
Nagpalabas ng opisyal na pahayag ang pamunuan ng Samar Provincial Hospital (SPH) upang linawin ang isyu na kumakalat sa social media.
Ayon sa SPH hindi sa kanila naganap ang insidente kundi sa isang pribadong pagamutan sa lungsod.
Sa katunayan aniya, mayroon silang dalawang operational na ambulansiya na nakatalaga sa bawat shift para sa paglilipat ng mga pasyente sa mas malalaking ospital.
Ang bawat ambulansiya ay may kasamang driver, ambulance nurse, at ang serbisyong ito-kasama ang krudo ay ganap na libre na walang anumang bayad.
Ipinaliwanag ng ospital na sa oras ng naturang insidente, kasalukuyang bumabiyahe at naghahatid ng mga pasyente patungong Tacloban ang dalawa nilang ambulansya kaya hindi sila agad nakapag-abot ng tulong.
Muli ring nagpaalala ang SPH na kailanman ay hindi sila naniningil ng ambulance fee para sa mga hospital referral.
- Latest



















