Naglayas dahil napagalitan
Dear Dr. Love,
Ako po si Vanna, 18-anyos na dalaga. Nitong mga nakaraang linggo, palagi akong napapagalitan ng tatay ko dahil halos buong araw daw akong nakatutok sa Facebook at pakikipag-chat sa boyfriend ko.
Pakiramdam ko, wala naman akong masamang ginagawa, pero sa kanya ay sinasayang ko lang ang oras ko.
Noong isang gabi, napuno na siya at na-sabihan akong wala na akong pakinabang sa bahay.
Nasaktan ako sa mga salitang iyon kaya naisip kong umalis na lang at tumira sa boyfriend ko. Pakiramdam ko kasi, hindi na ako naiintindihan ng sarili kong ama.
Dr. Love, tama po bang umalis na lang ako para wala na kaming pag-awayan? O ako ba ang kailangang magbago?
Vanna
Dear Vanna,
Masakit mapagalitan, lalo na kung galing sa taong mahal mo. Ngunit tandaan mo, ang pag-alis ng bahay ay hindi solusyon sa tampuhan. Madaling lumabas ng pinto, pero mahirap harapin ang mga pagsubok sa labas.
Maaaring mali ang paraan ng iyong ama sa pagsasalita tungkol sa iyo at sa boyfriend mo, pero posibleng ang pinanggagalingan niya ay pag-aalala.
Ayaw niyang unti-unting nakawin ng boyfriend mo at ng social media ang oras na dapat ay inilalaan sa pamilya, pag-aaral, at pangarap mo.
Subukan mong ibaba ang iyong cellphone at itaas ang inyong pag-uusap. Humingi ka ng paumanhin kung nagkulang ka, at sabihin mo rin ang tunay mong nararamdaman.
Kapag pareho kayong marunong makinig, mas madaling maghilom ang sugat kaysa takasan ito.
“Igalang mo ang iyong ama at ina.” (Exodo 20:12)
Ang paggalang ay hindi lamang sa pagsunod, kundi sa pagpili ng pag-uusap kaysa paglayo. Baka ang hinahanap ng tatay mo ay hindi ang iyong Facebook account, kundi ang anak na dati niyang nakakausap at nakakasama.
DR. LOVE
- Latest
















