Police official tinodas sa karaoke bar
MANILA, Philippines — Isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang nasawi matapos pagbabarilin habang tangkang payapain ang komosyon sa loob ng isang karaoke bar sa Pontevedra, Capiz nitong Lunes ng madaling araw.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si P/Captain Rian Fuentes Ampoyos, Commander ng 1st Capiz Provincial Mobile Force Company (PMFC).
Sa ulat ng Capiz Provincial Police Office, pasado alas-12:00 ng madaling araw nang maisipan ng biktima na noon ay off duty ay pumasok sa karaoke bar dahil sa pag-imbita ng may-ari ng isang dinner.
Bago ito, bandang alas-4:30 pa lamang ng hapon kamakalawa ay nagtungo na ang grupo ng biktima sa nasabing karaoke bar at pinag-usapan ang peace and order sa kanilang hurisdiksyon.
Inabot ng hanggang pasado hatinggabi ang pananatili ng nasabing mga off duty cops kabilang ang biktima sa karaoke bar nang biglang magkaroon ng komosyon kung saan isang lalaking armado umano ang nanggugulo.
Tinangkang payapain ng grupo ni Ampoyos ang naturang mga kalalakihan pero habang palapit pa lamang ito sa mesa ng suspect na si William Paulino Deocampo ay pinagbabaril na ito.
Nagawa pang maisugod sa Bailan District Hospital si Ampoyos pero idineklara na itong dead-on-arrival habang nasakote ang suspek.
- Latest





















