Romualdez ‘di tatakas, handang harapin kaso

MANILA, Philippines — Hindi tatakasan at haharapin ni Letye 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez ang anumang kaso na planong isampa laban sa kaniya ng Office of the Ombudsman kaugnay ng flood control scam.
Ito ang inihayag ni Atty. Ade Fajardo, legal counsel ni Romualdez matapos namang sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na malapit na nilang sampahan ng kaso si Romualdez.
“Nakahanda si former Speaker Romualdez na harapin ang proseso. Pero talagang walang patunay o ebidensiya sa kanya tungkol sa flood-control anomalies. Wala pa pong preliminary investigation, nasa case build-up status po now,” tugon ni Fajardo. Binigyang diin ni Fajardo na walang naging partisipasyon si Romualdez sa implementasyon ng flood control project partikular na sa pagpopondo at implementasyon nito.
“Napakasimple lang actually. Kasi kung wala ka namang participation, talagang maa-anticipate mo na wala namang ebidensya,” giit nito habang hindi rin umano kredible ang naging pahayag ng Maleta boys na pabagu-bago, idinidikta at hindi kapanipaniwala.
“Papaano mo naman aasahan at paniniwalaan ang kanilang salaysay na pabago-bago at paiba-iba. Kargado pa ng incredible statements,” punto ni Fajardo.
Iginiit nito na mismong ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay hindi nakitaan ng anumang pananagutan sa flood control scam ang dating Speaker.
- Latest






















