Mga pangako ng leon nu’ng kumakampanya
“MGA kapwa ko hayop,” talumpati ng leon, “kapag hinalal niyo ako, pangako ko na ako’y magiging vegetarian!” Napa-wow ang mga hayop.
“May dagdag pa akong pangako,” ginanahan ang leon. “Kapag hinalal niyo ako, wala nang hunting, wala nang pagtatago, wala nang pangingilabot kapag makita niyo ako.” Napa-palakpak ang mga hayop. May mga sumigaw na, “President Leon, President Leon!”
Nag-usisa ang pagong, “Ginoong Leon, kapag naging vegetarian ka, ano ang kakainin mo?” “Ano pa, edi damo,” mabilis na sagot ng leon.
“Eh hindi naman kayo kumakain ng damo,” giit ng pagong. Muli mabilis ang sagot ng leon, “Matututo ako, at lahat ng kumakain ng karne ay lilipat din sa damo. ‘Yan ang tinatawag na vision.”
Tapos, para maiba ang usapan, sumigaw ang leon, “Libreng saging para sa mga matsing! Libreng carrots para sa rabbits!” Naglundagan sa tuwa ang mga hayop.
Kinagabihan binisita ang leon ng mga kaibigan niyang buwaya, tigre, leopard, buwitre, at pating. “Kumusta ang kampanya mo?” anila.
“Nakakapagod, pero nauuto ko sila,” sagot ng leon. “Tulungan niyo ako bilangin ang maraming pera na nakamal ko.”
Sa araw animo’y napaka-santo ng leon. Pero sa gabi ay nagiging demonyo siya sa piling ng mga kapwa-sugapa.
“Tulungan niyo ako mangampanya sa araw,” anang leon. “Dapat siguradong panalo ako.”
Tinapik ng leon ang buwaya at bumulong, “Kapag naluklok na ako, sa iyo na lahat ng ilog.” Pinangakuan niya ang tigre at leopard, “May komisyon kayo sa bawat mabihag na matsing at rabbit.” At sa buwitre at pating ay kumindat siya, “Kontrolin niyo ang himpapawid at dagat, partehan niyo ako ng pagkaing ibon, isda, at pagong.” Ayos!
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest




















