Comelec, inilagay sa ‘red category’ ang 27 lugar sa BARMM elections

MANILA, Philippines — Isinailalim na ng Commission on Elections sa “red category” ang 27 areas of concern kaugnay nang pagdaraos ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na gaganapin sa Setyembre 14.
Kabilang sa mga lugar na isinailalim sa red category hanggang noong Hulyo 15 ay ang Al-Barka sa Basilan; Bayang, Binidayan, Butig, Ganassi, Kapai, Lumbaca Unayan, Lumbatan, Lumbayanague, Marantao, Marogong, Masiu, Mulondo, Pagayawan, Piagapo, Poona Bayabao, Pualas, Saguiaran, Sultan Dumalondong, Tagoloan, Tamparan, Taraka, Tubaran sa Lanao del Sur, Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte; Pandag, Shariff Aguak, at Shariff Saydona Musthapa sa Maguindanao del Sur, at Tugunan sa Special Geographic Areas.
Nilinaw ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang pagdedeklara ng red category sa mga naturang lugar ay hindi nangangahulugan na may mga naganap na insidente ng karahasan, kaguluhan, o banta sa kapayapaan at kaayusan doon.
Sa ilalim ng red category, mayroong seryosong banta mula sa communist terror groups o iba pang threat groups sa isang partikular na lokasyon.
Dahil dito, ang mga security forces ay dapat na ideploy upang magpokus sa monitoring ng mga lugar kung saan pasibleng magkaroon ng violence at political conflicts sa pagitan ng mga lokal na kandidato.
- Latest



















