Proteksyon sa mga bata laban sa gun violence ikinasa sa Kamara
MANILA, Philippines — Isang panukalang batas ang isinusulong sa Kamara na pagbabawal na pumasok sa firing range, at turuan sa paghawak ng baril ang nasa 21-anyos pababa.
Ito ang nilalaman ng House Bill No. 1005 na isinulong ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na naglalayong mabawasan ang karahasan na kinasasangkutan ng mga menor- de-edad matapos naman ang sunud-sunod na karahasan sa mga eskuwelahan.
Sinabi ni Diokno na sakaling mapagtibay bilang batas ay maipatutupad ang nasabing mithiin upang maiwasan ang mga trahedya sa mga eskuwelahan na aniyang nangangailangan ng komprehensibong reporma para protektahan ang mga bata sa karahasang dulot ng armas at paigtigin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa mga eskuwelahan.
Ang panukalang batas ay isinulong ni Diokno matapos naman ang madugong insidente ng pamamaril ng mga menor-de-edad na sina Nash, 14 at Rod,15 na namaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte noong Hunyo 22 ng taong ito na ikinasawi ng 3 estudyante habang 20 pa ang nasugatan.
Isinulong ni Diokno ang panukalang batas matapos naman ang isinagawang kauna-unahang National Safe School Summit and Safety Drill ng DepEd na kinabibilangan ng aktibong shooter simulation sa school premises.
Sa nasabing exercise sa school premises ang mga estudyante, guro at mga lokal na otoridad ay magpra-praktis ng lookout, lockdown at proseso sa paglilikas na magagamit sa kahalintulad na mga emergency at iba pa.
- Latest



















