Pangulong Marcos, Carney binisita Jollibee sa Vancouver
MANILA, Philippines — Isang branch ng sikat na Filipino fast food chain sa Vancouver, Canada ang personal na binisita nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Canadian Prime Minister Marck Carney.
Nakipagkwentuhan din ang Pangulo at Prime Minister sa mga customer ng Jollibee na matatagpuan sa 833 Granville Street sa Vancouver.
Ipinakilala rin sa dalawang lider ang iba’t ibang pagkain na inaalok ng Jollibee.
Ang Jollibee ang isa sa pinakamalawak na food chains sa Canadian market na nagbibigay ng trabaho sa mga Canadian at Filipino-Canadian.
Pinapalakad din nito ang kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng dalawang bansa at ang Canada rin ang ikalawang pinakamalaking export market ng mga produkto ng Pilipinas.
Nasorpresa naman ang mga customer ng food chain sa pagbisita nina Marcos at Carney, habang ikinatuwa naman ito ng Pinoy crew ng food chain. Pinagkaguluhan din ng Pinoy customers ang Pangulo na kumakain sa loob ng food chain at nakipag-selfie pa sa mga ito.
Sinabayan naman ito ng mga rally ng mga grupong nanawagan na papanagutin ang mga sangkot sa katiwalian sa Pilipinas.
Ang Pangulo ay nasa Vancouver para sa apat na araw na state visit.
- Latest



















