Kill plot kay VP Sara sa ‘Operation Romanov’, imahinasyon lang – Barbers
MANILA, Philippines — Imahinasyon lamang umano ang pinalulutang na “Operation Romanov” ng kampo ni Vice President Sara Duterte o ang “kill plot” sa ikalawang pinakamataas na lider ng bansa.
Ang bagay na ito ay inihayag ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, isa sa mga Spokesman at adviser ng prosekusyon sa paglilitis.
Sinabi ni Barbers na ang ‘Operation Romanov’ ay hindi naman napatunayan ng mga awtoridad at dahil dito ay bunga lamang umano ito ng maruming imahinasyon.
Una nang iginiit ng kampo ni VP Sara na maging ito ay may banta rin umano sa buhay pero hindi naman ito inimbestigahan ng mga awtoridad.
Inilutang ng kampo ni VP Sara ang Operation Romanov sa gitna na rin ng mainit na pagtalakay sa kaso ng impeachment laban dito kung saan kasalukuyan nang gumugulong ang Articles of Impeachment hinggil sa ‘assassination threat ‘ nito kay President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Senate impeachment court.
Ayon kay Barbers, sinilip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasabing kill plot laban kay VP Sara pero sa isinagawang imbestigasyon ay walang nakitang ebidensya na susuporta ukol dito.
Samantalang inimbitahan din ng NBI ang kampo ni VP Sara na makipagkooperasyon sa imbestigasyon pero hindi ang mga ito nakatugon.
“So, again, kung hindi magko-cooperate at hindi ma-substantiate ‘yung sinasabing Romanov na ’yan, eh ’yan po ay figment of their imagination,” ani Barbers.
- Latest



















