Gustong palitan ang apelyido ng anak
Dear Attorney,
Naghiwalay na kami ng aking kinakasama. Mayroon kaming anak. Puwede ko bang palitan sa birth certificate ng aming anak ang apelyido ng dati kong kinakasama? Gusto ko, ang aking apelyido na lang ang gamitin ng aking anak. Paano po ba ‘yun? —Sandra
Dear Sandra,
Nararapat dumaan sa korte ang pagbabago sa birth certificate. Pero sa mga sitwasyong katulad ng sa iyo kung saan dala-dala na ng bata ang apelyido ng kanyang ama, mahirap nang payagan ng korte ang gusto mong mangyari.
Karapatan kasi ng isang bata na dalhin ang apelyido ng kanyang ama kung siya ay kinikilala nito, kahit pa hindi kasal ang kanyang mga magulang.
Mahalaga rin na dala-dala ng iyong anak ang apelyido ng kanyang ama dahil matibay na ebidensiya ito ng kanilang relasyon bilang mag-ama kaya kung ipapabago mo ito, maaring maapektuhan ang iba pa niyang mga karapatan, katulad ng karapatan niyang mag-mana sa ari-arian ng kanyang ama.
Maari rin na hindi pagbigyan ang hiling mo kung menor de edad pa ang mga anak mo. Sa kaso ng Moore v. Republic (G.R. No. L-18407, 26 June 1963), ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi pinagbigyan ang petisyon ng magulang na ipabago ang apelyido ng kanyang anak ay ang pagiging menor de edad ng huli.
Ayon sa Korte Suprema, hindi tamang pangunahan ang bata sa kung ano ang dapat niyang maging pangalan lalo na’t siya lamang ang makaaalam ng kanyang kagustuhan ukol dito.
Dapat ay hintayin na lang siyang dumating sa tamang edad at hayaang siya ang magdesisyon kung gusto ba niyang baguhin ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng tamang proseso sa ilalim ng ating batas.
Sa huli, laging isinasaalang-alang ng ating batas ang kapakanan at ang interes ng bata kaya ito ang magiging panguhaning konsiderasyon ng ating mga korte sa mga kasong may kinalaman ang mga menor de edad, kabilang na ang mga petisyon para sa pagpapalit ng apelyido.
- Latest















