Grade 10 ‘utak’ sa pagbabanta sa 3 iskul sa Cavite, arestado
BACOOR CITY, Philippines — Inaresto ng mga awtoridad ang isang 15-anyos na Grade 10 student matapos matunton na siya ang utak sa likod ng serye ng pagbabanta sa tatlong paaralan, dito sa lungsod, na ipinoste sa social media kamakailan.
Base sa ulat ng Bacoor City Police Station (CCPS), kinilala ang suspek (Child in Conflict with the Law o CICL) sa alyas na “Jess”, estudyante sa City of Bacoor National High School (CBNHS)-Camella Springville at residente ng Brgy. Molino III.
Naaresto ang estudyante dakong alas-4:00 ng hapon noong Miyerkules (Hulyo 8) sa pinagsanib na operasyon ng Bacoor CCPS at Cavite Provincial Cyber Response Team (Cavite PCRT).
Unang nakatanggap ng sumbong ang pulisya sa pamamagitan ng Bacoor Inter-Agency Viber Group Chat dakong alas-10:15 ng gabi noong Hulyo 7, matapos iulat ng Principal ng CBNHS-Camella Springville, ang kumakalat na banta ng pagsabog na ipinost sa TikTok bandang alas-8:44 ng gabi ng parehong petsa. Target sa naturang banta ang Eastern National High School sa Brgy. Queensrow Central, George Town National High School sa Brgy. Molino IV, at CBNHS-Camella Springville.
Nang iberipika ng pulisya sa rekord ng paaralan sa tulong ni Principal Ugali, napatunayang ang naturang email address ay nakarehistro sa isang Grade 10 student na agad pinuntahan ng Bacoor Police Intelligence operatives ang tirahan nito. Sa tulong ng kanyang ina, dinala ang naturang estudyante kasama ang cellphone nito sa opisina ng principal para sa interogasyon.
Dakong alas-5:00 ng hapon sa parehong araw, kinumpirma ng Cavite PCRT sa pamumuno ni PLt. Lovely Velez na ang email address sa nasabing TikTok account ay aktibong nakabukas sa Infinix cellphone ng nasabing estudyante.
- Latest




















