7-anyos pinatay sa sakal, tinapon sa sapa!

‘Bayaw’ hindi napagbigyan sa ‘sex’
MANILA, Philippines — Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 7-anyos na batang babae na pinatay sa sakal saka itinapon ang bangkay nito sa sapa ng live-in partner ng kanyang ate na hindi napagbigyan sa “sex” sa Brgy. Armado, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Linggo, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ni P/Capt Dennis Tariga, hepe ng Abra de Ilog Municipal Police Station (MPS), ang biktima ay pinaslang muna sa sakal base sa mga bakas sa leeg nito bago itinapon sa sapa ng 20-anyos na suspect.
Nauna rito, pinagha-hanap ang bata matapos na ilang oras na mawala noong Hulyo 5 pasado alas-12 ng tanghali kung saan ang live-in partner ng nakatatanda nitong kapatid na babae ang naging “person of interest” dahilan may nakakita na ito ang huling kasama ng bata bago nadiskubre ang krimen.
Samantala, nang dumating ang mga awtoridad upang kuwestiyunin ang suspect ay nagmamadali sa pagtatangkang tumakas bunsod upang lalo siyang paghinalaan.
Ayon sa opisyal, matapos ang ilang oras na interogasyon ng pulisya ay napilitan ang hilaw na bayaw ng batang biktima na aminin ang krimen. Bandang alas-7:21 ng gabi nang ituro nito sa mga awtoridad kung saan niya itinapon ang bangkay ng bata at humantong sila sa isang sapa sa nasabing lugar.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ang planong pakikipaghiwalay ng 14-anyos na kapatid ng biktima na isang miyembro ng katutubong Mangyan sa nasabing suspect na isang Tagalog ang motibo ng pamamaslang sa paslit.
Nabatid pa na nagbanta ang suspect sa live-in partner nito na may malalagas sa kaniyang pamilya kapag nakipaghiwalay ito sa kaniya.
Sa panig ng 14-anyos na live-in partner ng suspect ay sinabi nitong nais niyang makipaghiwalay sa suspect dahil pinipilit siya nitong makipag-sex pero bawal ito sa tradisyon ng lipi ng mga Mangyan dahil sa hindi pa sila kasal.
Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa kasong murder.
- Latest





















