F2F classes na naudlot sa Tacloban school shooting, balik na sa normal

MANILA, Philippines — Balik na sa normal nitong Lunes ang face-to-face classes sa San Jose National High School (SJNHS) sa Tacloban City.
Ito’y dalawang linggo matapos ang madugong shooting incident na naganap sa loob ng naturang paaralan na kinasasangkutan ng dalawang menor-de-edad, ikinasawi ng tatlong mag-aaral at ikinasugat ng 20 iba pa.
Mismong si DepEd Secretary Sonny Angara ang nagkumpirma na nagsimula nang muli ang pagpasok sa eskwela ng mga mag-aaral sa naturang paaralan.
Nabatid na ang mga estudyante na nananatiling emotionally distressed dahil sa insidente ay hindi pipiliting pumasok sa paaralan at maaaring magpatuloy ng kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng flexible learning arrangements habang sila ay nagpapagaling pa.
Anang DepEd, ang muling pagbubukas ng San Jose National High School ay bahagi ng nationwide School Safety Campaign ng DepEd na kinabibilangan ng school safety audits at measures upang mapalakas ang seguridad sa mga campus. Naglagay na rin sila ng karagdagang closed-circuit television (CCTV) cameras, walk-through metal detectors, perimeter fencing, at dinagdagan pa ang police visibility sa school campus.
Ang silid-aralan kung saan naganap ang pamamaril ay ginawa na lamang na opisina at hindi na gagamitin pa sa pagkaklase ng mga estudyante. Nilinis din umano at muling pininturahan upang maibalik ang learning environment.
- Latest





















