Junior shinotgun ng ama sa birthday, patay!

MANILA, Philippines — Binalot ng lagim ang masayang pagdiriwang ng kaarawan ng isang 33-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin ng sariling ama sa gitna ng kanilang mainitang pagtatalo sa Brgy. Libas, Isabela, Negros Occidental, ayon sa ulat kahapon.
Sa report, kinilala ang biktima sa pangalan lamang nitong Losio Jr., dead-on-the spot sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nahaharap naman sa kasong parricide ang arestadong ama nitong si Losio Sr., 74 taong gulang, bunga ng pagpatay sa kaniyang anak.
Sa ulat ng tanggapan ni P/Major Joseph Partidas, hepe ng Isabela Municipal Police, nangyari ang insidente noong Huweges sa selebrasyon ng kaarawan ni Losio Jr. sa tahanan nito sa nabanggit na lugar.
Ayon sa imbestigasyon, nakipag-inuman pa ang biktima sa dalawa nitong kaibigan at sa kaniyang ama bilang selebrasyon sa kaniyang kaarawan.
Gayunman sa kalagitnaan ng masayang inuman ay nakipagtalo ang biktima sa dalawa nitong kaibigan pero sinaway ito ng kaniyang ama hanggang sa magpaalam na ang mga bisita at maging ang suspect ay iniwan na ang hindi paawat na pag-iingay ng anak.
Dahil sa kalasingan, nagsisigaw ang biktima na pinuntahan ang bahay ng ama at hinamon pa ng suntukan na labis na ikinagalit ng ama.
Kasunod nito, kinuha ng matanda ang kaniyang improvised shotgun at walang pasubaling pinagbabaril ang kaniyang anak na duguang bumulagta sa lugar.
- Latest



















