2 NBI official, director ng kamara tetestigo!

Senate impeachment court kasado na
MANILA, Philippines — Dalawang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) at isang Director ng Kamara ang kabilang sa mga testigo ng prosekusyon kaugnay ng “assassination threat” ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang nilalaman ng manipestasyon ng prosecution panel na may petsang Hulyo 3 na isinumite sa Senate Impeachment Court kaugnay ng pagsisimula ng paglilitis laban kay VP Sara bukas, araw ng Lunes (Hulyo 6).
Kabilang sa nasabing mga testigo ay sina Atty. Jeremy Lotoc, Regional Director ng NBI Bangsamoro Administrarive Region for Muslim Mindanao at John Mark Calilung, Senior Agent ng NBI Cyber Investigation and Assessment Center.
Ang isa pa ay si Captain Belinda Bello, Executive Director ng Legislative Security Bureau ng Office of the Sgt.at Arms ng Kamara. Sila ay tetestigo sa grave threats laban kay PBBM, First Lady Liza Araneta Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Samantala, kabilang din sa itinalang testigo ng prosecution panel ay si dating Davao City Sheriff Abe Andres na sinapak noong mayor pa lang ng Davao City si VP Sara para patunayan umano ang pattern ng bayolenteng pag-uugali nito pero dedesisyunan pa kung papayagan ito ng Senate impeachment court matapos namang una nang tutulan ng defense panel sa pre-trial conference.
Samantala, inihayag kahapon ni Senate President Sherwin Gatchalian na handang-handa na ang impeachment court ng Senado para sa gagawing paglilitis bukas.
Ito aniya ay makaraang makumpleto na ng impeachment court ang logistical at security preparations para sa proceedings. Nag-isyu na rin aniya ang Senado ng anim na set ng guidelines kabilang dito ang security, media access, at ang galaw ng senator-judges sa loob ng Senado.
Maging ang pre-trial orders at iba pang official documents ay uploaded din sa Senate website sa ngalan ng transparency.
- Latest


















